Posted By Kenneth Roland A. Guda
pinoyweekly.org
December 8, 2010
Nakatingala sila sa isang puno, pinagmamasdan ang mga dahon, tanghaling tapat ng Nobyembre 15.
Nasa isang masukal na gubat sa Kananga, Leyte ang field work team ni Leonardo Co. Isang tanyag na taxonomist – o siyentistang nagkaklasipika ng mga tanim at puno – si Leonard. Nangongolekta sila ng seedlings ng mga puno sa lugar. Pangkaraniwang gawain na ito ng mga siyentistang tulad niya.
Kasama niya ang kanyang mga guide at katuwang sa pananaliksik na sina Sofronio “Ponyong” Cortez, Julius “Oyong” Borromeo, Policarpio “Carping” Balute, at Ronino “Niño” Gibe. Nasa gitna sila ng munting palaisipan: Tanguile ba o isang specie ng Shorea ang punong tinitingala? Nalito sila, dahil may nakitang terminal bud ng Shorea sa ibaba ng puno. Pero mukha namang Tanguile, isang tanyag na hardwood, ang puno.
Nakatingala sila sa isang puno, pinagmamasdan ang mga dahon, nang magsimula ang pamamaril.
Interogasyon habang agaw-buhay
Nang matapos ang pamamaril, natagpuang patay ang tanyag na taxonomist na si Leonard. Gayundin sina Ponyong at Oyong. Nakatakas, pero may malalim na sugat sa kalooban, sina Carping at Niño.
Mula sa mga pahayag ni Carping sa midya, sinumpaang salaysay ni Niño na sinumite sa Commission on Human Rights, gayundin sa pag-aaral ng isang independiyenteng fact-finding team na pinamunuan ng grupong Agham (Science and Technology for the People), maaaring mabuo ang mga sirkumstansiya ng pamamaril.
Tatlong araw na silang nasa field work noong Nobyembre 15. Sakop ng operasyon ng isang geothermal plant ng Energy Development Corporation o EDC sa Kananga ang lugar ng pag-aaral nina Leonard. Dating pinatatakbo ng Philippine National Oil Company na pag-aari ng gobyerno, ngayo’y isang pribadong kompanyang pag-aari ng pamilyang Lopez ang EDC.
Tamang tama, konsultant ng EDC sa biodiversity si Leonard, kung kaya may akses siya sa kagubatang kinasasakupan ng operasyon ng planta. Nandoon siya para mangolekta ng seedlings ng mga matatayog na puno sa bahaging ito ng bansa.
Nakatingala sila sa isang puno, inaaral ang mga dahon, nang may magpaputok sa likod ng grupo. Agad na nakatago si Niño. Sa lumabas na mga pahayag niya sa midya, sinabi naman ni Policarpio na nakatakbo siya. Pero sina Leonard, Sofronio at Julius ang tinamaan. Mula sa mga pahayag nina Niño at Policarpio, mistulang pinaulanan sila ng bala. Parang umaangat ang lupa, anila, sa pagtalop ng bala sa lupa. Tumatalsik ang balat ng puno. Habang nakadapa, hindi maiangat ni Niño ang kanyang ulo sa takot na madaplisan ng bala.
Nang matapos ang pagpapaputok – 20 minutos iyon, bagamat ayon sa militar ay 10 hanggang 12 minuto lamang – lumapit ang mga sundalo. Kinuwestiyon si Niño: Nasaan na ang mga kasamahan n’yong armado? Bakit nandito kayo? Bakit may drowing kayo ng lugar? Bakit may GPS kayo? Lumalabas na tumagal mahigit isang oras ang pagtatanong.
Hawak ng isang miyembro ng FFM Team ang karatulang tumutukoy sa isang clearing sa ibaba bilang "Pad 403", ang lugar na pinagbabaan sa tatlong namatay matapos ang pamamaril. Ang tinutungtungang ito ng miyembro ng FFM Team ay ilang metro lang mula sa unang puno na minarkahan nina Leonard. Mahihinuha sa larawan kung gaano kalapit ang pinangyarihan ng pamamaril kina Leonard sa isang clearing, kung kaya lalong nakakapagduda kung bakit tumagal nang higit isang oras ang militar bago ibaba ang mga namatay. (KR Guda) [5]
Hawak ng isang miyembro ng FFM Team ang karatulang tumutukoy sa isang clearing sa ibaba bilang "Pad 403", ang lugar na pinagbabaan sa tatlong namatay matapos ang pamamaril. (KR Guda)
Ibinaba sila, alas-dos na ng hapon. Binitbit sila ng mga sundalo, at ibinaba sa nalalapit na pad (isang sementadong clearing na dinebelop ng EDC), tinatawag na “Pad 403,” at doon naghihintay na ang mga tauhan at sasakyan ng EDC.
Pumanaw na sina Leonard noon. Patay na rin si Ponyong. Ngunit sugatan pa si Oyong, ayon mismo sa militar. Dumadaing pa umano si Oyong, matapos ang putukan. Posibleng dahil isang oras pa ang lumipas, isang oras pang nagsagawa ng interogasyon ang militar, pumanaw din malaon si Oyong.
Mula sa Pad 403, sa pagitan ng alas-dos at 4:30 ng hapon, dinala ng sasakyan ng EDC at ilang sundalo ang tatlong bangkay sa himpilan ng pulisya para ipa-blotter ang kaganapan. Mula sa himpilan, dinala sa ospital para ideklarang patay, at saka dinala sa punerarya.
Di agad nakapag-imbestiga ang pulis at Leyte SOCO sa lugar ng insidente. Ayon kay Senior Insp. Joel Camacho, hepe ng PNP sa Kananga, kinabukasan ng alas-11 ng umaga na unang naimbestigahan ang lugar at nakapagsagawa ng forensic examination sa lugar ang SOCO. Dahil umano ito sa “hot pursuit operations” na ginagawa pa ng militar noong hapon ng Nobyembre 15, matapos mabaril sina Leonard.
Tanyag na tao
Tulad ng matatayog na puno ng Kananga ang reputasyon ni Leonard bilang siyentista. Ito marahil ang dahilan kung bakit nakuha ng pagkamatay niya ang atensiyon ng midya at publiko.
Nobyembre 17 na nang lumabas sa midya ang insidente, matapos ihayag ng militar sa midya ang kanilang bersiyon sa pangyayari. “Naipit” sa isang engkuwentro – isang “chance encounter” pa nga raw – ang grupo ni Leonard. Ayon kay Lt. Col. Federico Tutaan, kumander ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army na siyang may sakop sa operasyon ng militar doon, Nobyembre 12 pa lamang ay nakakuha na sila ng impormasyon na may mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lugar na ito ng EDC.
“It was a battalion operation,” paliwanag ni Tutaan, nang kapanayamin ng naturang fact-finding team (kasama ang Pinoy Weekly) na pumunta sa Kananga sa basbas ng pamilya ni Leonard noong Nob. 27. Ayon kay Tutaan, nagsasagawa ng operasyon ang kanyang tropa sa lugar magmula Nobyembre 14. (Araw mismo ito na nagdeklara ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng “unofficial ceasefire” para mapanood ng mga sundalo sa telebisyon ang laban sa boksing ni Manny Pacquiao kay Antonio Margarito.)
Isang squad mula sa naturang batalyon ang nagkataong nakakita sa “di bababa sa 10” miyembro raw ng NPA.
Isang oras na umanong minamanmanan ng mga tropa ng 19th IB, sa pangunguna ng isang 1Lt. Ronald Odchimar, ang mga rebeldeng umaali-aligid sa isang lugar. Pumwesto sa isang “mataas, natatago, at superyor” na posisyon ang mga militar. Una pa raw na nagpaputok ang mga rebelde.
Hindi nakatitiyak si Tutaan na hindi mga tropa niya ang nakapatay kina Leonard. Pero matitiyak daw ito sa autopsy ng mga bangkay, gayundin sa ballistic at forensic investigation sa lugar at mga baril na isinumite ni Tutaan sa Scene of the Crime Operatives ng Philippine National Police at sa National Bureau of Investigation. Iyon ay kung mismong mga baril na ginamit sa operasyon ang isinumite ni Tutaan sa mga imbestigador.
“Isang playground kasi ng NPA ang lugar,” sabi ni Tutaan. Bagamat di umano makapagkampo ang mga rebelde sa lugar dahil sa lapit nito sa battalion camp ng 19th IB, “frequent” (madalas) umano na nakikita ang NPA doon – nanghaharas sa kanilang mga tropa, nagbabanta sa planta.
At bagamat nakikipag-ugnayan ang 19th IB sa mga operasyon nito sa lugar, hindi raw alam ng EDC na may operasyon ang militar sa panahong bago napaslang sina Leonard.
Pinabubulaanan ito ni Tutaan, dahil “shared information” naman daw sa pagitan ng militar at EDC ang mga tulad nito. Hindi man nila tuwirang sinabihan ang EDC sa kanilang aktuwal na operasyon sa lugar, nakatitiyak siyang alam ng EDC ito.
Sinabi naman sa midya ni Lt. Gen. Ralph Villanueva, hepe ng Central Command ng AFP kung saan nakapasailalim ang 19th IB, na nasa lugar ang tropa ng Army para “unahan” (preempt) ang NPA na ayon sa “intelligence sources” umano ng Army ay nagbabalak daw na atakihin ang mga instalasyon ng EDC.
Itinatanggi naman ito ng EDC. Hindi umano nila alam na may operasyong nagaganap sa araw na iyon.
Itinanggi rin ng EDC na may madalas na nakikitang NPA sa erya. Ayon kay Manuel Paete, plant manager ng geothermal plant ng EDC sa Leyte, taong 2005 pa huling nagkaulat ng presensiya ng NPA sa mga lugar na sinasakupan ng planta. May sariling puwersang panseguridad (pinamumunuan ng dating mga militar din) ang planta, at maraming checkpoint sa mga kalsada sa loob nito.
Noong mga araw at linggo bago ang pangyayari, wala silang nabalitaan, nalaman, o nakitang grupo ng mga rebelde sa kanilang lugar.
Ilegal na pagtotroso
Bakit nagsasagawa ng mga operasyong militar ang 19th IB sa lugar ng operasyon ng EDC, gayong may sarili namang puwersang panseguridad ang huli?
Ayon kay Tutaan, mahalagang instalasyon ang planta sa Kananga. Pangalawang pinakamalaking geothermal plant ito sa buong mundo, at nagsusuplay ng kuryente sa Leyte, Cebu, Bohol, Negros, Panay, Biliran, Siquijor, Samar at ilang bahagi ng Southern Luzon. Presidente at chief executive officer ng EDC si Paul Aquino, tiyuhin ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III at nangungunang strategist ni Aquino noong panahon ng kampanya.
“Kasama sa mandato ng yunit (namin) ang pag-secure sa vital installations,” ani Tutaan. At bagamat may sariling puwersang panseguridad ang EDC, “we (Army) have to secure the general area of EDC.” Ibig sabihin, ang 107,625 ektaryang bundok at lupaing sakop ng operasyon ng planta.
Naiuulat din sa Kananga ang malaganap na ilegal na pagtotroso sa masukal na kagubatan dito. Ayon sa State of Local Government Report na inilabas ng Department of Interior and Local Government noong 2009 hinggil sa kalagayan ng forest ecosystems sa Kananga: “Forest resources and wildlife habitat are at risk; Incidence of large-scale illegal logging is high. Forest resources and wildlife habitat are severely at risk.”
Ayon kay Dr. Pacencia Milan, beteranong ecologist, dating presidente ng Visayas State University sa Baybay, Leyte, at kaibigan ni Leonard, laganap ang mga ulat ng ilegal na pagtotroso sa kagubatan malapit sa lugar ng insidente. Nababalita rin ng ilang impormante niya na may mga militar na nagpoprotekta umano sa mga operator ng ilegal na pagtotrosong ito. Pero wala siyang paraan para makumpirma ang impormasyong ito.
Gayunman, ilegal na pagtotroso rin kaya ang dahilan kung bakit nagsasagawa ng mga operasyong militar ang 19th IB sa lugar? Sabi ni Tutaan, wala siyang alam na nagsasagawa ng illegal logging sa mismong lugar ng pagkamatay nina Leonard. Gayunman, alam nilang may nag-oopereyt na illegal loggers “sa kabilang erya…sa bandang kanan.”
Katunayan, isang linggo bago ang pamamaril kina Leonard, may nahuli umanong ilegal na mga mangtotroso sa lugar na ito – pero di niya alam kung sino ang nahuli o ano ang nasamsam ng Department of Environment and Natural Resources at ilang elemento ng Army.
Pero sa pagkukuwento niya, mukhang maraming alam sa pagtotroso si Tutaan. Isinalarawan niya sa fact-finding team kung ano ang hitsura ng pinuputol na troso: “Pag puputulin ang puno, at tumayo ka, di ba bilog ang makikita mo? (Cross-section ng puno.) Yung bilog na yun, kasya [ang tao] dun!”
Samantala, sinabi ng mga kaanak ni Ponyong sa FFM Team na napag-alaman nilang may aabot sa 30 kataong rattan cutters (namumutol ng puno ng rattan) na diumano’y pinayagan ng EDC na gumala at mamutol ng puno ng rattan sa may lugar ng insidente, isang linggo bago ang mga pamamaslang.
Paliwanag ni Anthony Arbias, kapwa opisyal ni Leonard sa Philippine Native Plants Conservation Society at isa sa mga miyembro ng FFM Team, mahalagang bahagi sana ng conservation at reforestation sa mga kagubahatang tulad ng sa Kananga ang isinasagawa ng grupo ni Leonard. Iyong kinokolekta nilang seedlings ang maaaring magamit para mapatubo at mapalaki sa nursery at kalauna’y maitanim sa mga bahagi ng gubat na nakakalbo na.
Engkuwentro?
May engkuwentro ba talaga o wala? May rebelde ba talagang umaaligid sa mismong laylayan ng geothermal plant ng EDC sa Kananga, Leyte noong Nobyembre 15? Mahalagang sagutin ang mga tanong na ito, para malaman kung sino ang responsable sa pagkamatay nina Leonard, Ponyong at Oyong.
Sa pahayag ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV), ang pampulitikang organisasyon ng mga rebelde, sinabi ng tagapagsalita nito na si Fr. Santiago Salas na “improbable” (malayo sa posibilidad) na namatay sina Leonard sa palitan ng putok sa pagitan ng NPA at mga tropa ng 19th IB. “The NPA camps are well-hidden and highly secure areas inaccessible to most, and an NPA unit on maneuvers also stays away from civilians to maintain secrecy and to avoid endangering them,” ani Salas.
Pinuntahan ng fact-finding team ang mismong site ng insidente. Nakita ng team ang matatayog na mga punong pinag-aralan nina Leonard. Nakita nito ang marka na iniwan nina Leonard sa unang tatlong puno. Nakita rin nito ang punong hinahandang markahan at tinitingala ng lima bago pagbabarilin.
Nakita rin ng fact-finding team ang isang nalalapit na mataas na posisyon. Isang ridge ito na tinatayang aabot sa 40 metro ang layo sa punong tiningala nina Leonard. Sa pag-akyat sa ridge na ito, tanaw ang punong huling sinusuri nina Leonard. Bagamat may kalayuan (tantiya ni Tutaan, 30 hanggang 40 metro ang layo), kitang kita sina Leonard. May “clear shot” ang sinumang nasa puwestong ito, ika nga.
Sa mahigit isang oras ng pagmamasid at pagdodokumento, napansin din ng team na lahat ng nakitang pinaghihinalaang marka ng bala (pinaghihinalaang tama ng mga bala sa mga puno) ay galing sa isang direksiyon lamang. Ang kabilang bahagi ng mga punong may tama ng bala sa isang direksiyon ay walang tama.
“Sa ating initial findings mula sa fact-finding mission, (lumalabas na) isang side lang ang pinanggalingan ng mga bala doon sa pagpunta sa crime-scene. Isang indikasyon ito na walang crossfire na nangyari,” ani Dr. Giovanni Tapang, propesor ng physics sa Unibersidad ng Pilipinas, tagapangulo ng Agham at isa sa mga pinuno ng misyon. “Dito sa ating pagtantiya sa physical evidence na ito, makikita nating sina Leonard Co na gumagawa lamang ng isang tree survey sa malapit sa Pad 403 ng EDC ay tinamaan ng bullets na nanggaling sa ridge.”
Lumalabas na may ilang inconsistencies din sa kuwento ni Tutaan. Sinabi kasi niya sa fact-finding team, na “nasa harap ng mga tropa ang kalaban (NPA), nasa kanan (ng militar) sina Co.” Direktang nasa harap ng ridge ang punong iniimbestigahan noon nina Leonard. Kung sinasabi ng militar na nasa harap nila noon ang pinaghihinalaang mga NPA, mukhang sina Leonard iyong tinutukoy nila.
Napagkamalan?
Malakas ang posibilidad, kung gayon, na napaghinalaan ng mga militar na NPA sina Leonard kung kaya pinaputukan.
Dahil ba may dala ang dalawa sa kanila na mahahabang itim na payong na maaaring pagkamalang baril sa malayo? Dahil ba paboritong sumbrero ni Leonard ang isang sumbrerong may star sa gitna – sumbrerong karaniwang sinusuot ng mga lider-rebelde, at pinasikat ng mga rebolusyonaryong lider sa ibang bansa na sina Che Guevara at Mao Zedong? Ang mga sundalo lamang na mismong nagpaputok ang tiyak na makasasagot.
Pero sa ngayon, nananatiling nasa proteksiyon sila ng 19th IB. Iginigiit ng kanilang kumander na si Lt. Col. Tutaan na engkuwentro ang naganap. Samantala, kung mayroon mang rebelde sa maulang araw na iyon noong Nobyembre 15, walang ibang nakakita kundi sila.
Di nakita ng EDC, ng sanlaksang mga guwardiya nito, na nagbabantay sa mga checkpoint, at huling nakabalita ng di-kumpirmadong presensiya ng NPA noon pang 2005. Di rin alam ng mga manggagawa ng EDC, na nagtatrabaho sa geothermal wells na matatagpuan malapit sa lugar ng insidente. Di rin alam ng pulisya, sa pangunguna ni Senior Insp. Camacho, na tila ayaw magsalita ng taliwas sa sinasabi ng militar, nang kapanayamin ng fact-finding team.
Higit sa lahat, di alam nina Leonard, Ponyong, Oyong, Carping at Nino. Sa salaysay pa nga nina Nino at Carping, wala silang nakitang ni anino ng rebelde. Sa obserbasyon nila, mula sa iisang direksiyon ang mga bala.
Ayon sa ilang nakakilala sa kanya, makaranasang siyentista si Leonard. “Hindi siya nagte-take ng risks,” kuwento ni Dr. Milan. Malamang daw na pumunta si Leonard sa kagubatang iyon ng Kananga dahil sigurado siya at ang kanyang team sa kanilang seguridad. Sigurado siyang ligtas siyang makakapagsarbey ng mga puno.
Posibleng magamit sana ang mga kaalamang nakuha ni Leonard doon para sa reforestation ng Leyte, na maraming beses nang sinapitan ng trahedya (Ormoc noong 1991 at Guinsaugon noong 2006) dahil diumano sa mga nakakalbong kagubatan doon.
Noong araw na iyon, tumitingala sina Leonard hindi lamang sa mga puno. Mistulang tumitingala sila sa kinabukasan ng Leyte, sa maaaring magawa para mapaunlad ang nanganganib na kagubatan dito. Tulad ng biglaang pagbuwal ng mga illegal logger sa mga puno ng Leyte, biglaang nabuwal ng bala sina Leonard, Ponyong at Oying noong tanghaling iyon ng Nobyembre 15.
No comments:
Post a Comment